DIWA NG PASKO, RAMDAM NA SA STA. MARIA, PANGASINAN; CHRISTMAS FOOD BAZAAR, DINARAYO NA NG MGA KABABAYAN

Palapit nang palapit ang Pasko at unti-unti na ring nararamdaman ang saya at sigla ng Kapaskuhan sa bayan ng Sta. Maria, Pangasinan, kasabay ng pagbubukas ng kanilang Christmas Food Bazaar na dinarayo na ng mga lokal na mamamayan.

Tampok sa bazaar ang iba’t ibang pagkain at produktong inihahandog ng mga food business sa bayan, na nagbibigay ng pagkakataon sa mga residente na makatikim ng samu’t saring putahe at paboritong pagkaing swak sa kanilang panlasa.

Hindi rin maikakaila ang mainit na pagtangkilik ng mga mamamayan sa mga tindahan, bagay na lubos na ipinagpapasalamat ng mga negosyanteng lumahok sa aktibidad.

Bukod sa pagbibigay ng dagdag na atraksyon ngayong Kapaskuhan, layunin din ng Christmas Food Bazaar na makatulong sa pagpapalago ng mga maliliit na negosyo sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mas malawak na pagkakataong maipakilala at maibenta ang kanilang mga produkto sa mas maraming mamimili.

Sa ganitong paraan, hindi lamang nabibigyan ng kasiyahan ang mga mamamayan kundi nagkakaroon din ng dagdag na oportunidad ang mga lokal na negosyante na mapalago ang kanilang kabuhayan.

At para mas maging masaya at makulay ang pagdiriwang, inaasahan pang magkakaroon ng iba’t ibang aktibidad at sorpresa sa mga susunod na araw para sa mga bibisita sa Christmas Food Bazaar.

Sa bawat pagkaing inihahain at bawat negosyong nabibigyan ng pagkakataon, mas pinaiigting ng bayan ng Sta. Maria ang diwa ng Paskong Pinoy—pagkakaisa, pagbibigayan at pagsuporta sa sariling atin. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments