Nasagip ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard ang isang 30-anyos na lalaki matapos tangayin ng malakas na agos patungo sa mas malalim na bahagi ng dagat sa Acapulco Beach, Barangay San Francisco, San Fernando City, La Union noong Nobyembre 2.
Ayon sa Coast Guard Station La Union, agad na rumesponde ang kanilang Baywatch personnel at matagumpay na naiahon sa dagat ang biktima.
Matapos madala sa pampang, agad itong sinuri bago isinugod ng La Union Rescue 911 sa Ilocos Training and Regional Medical Center o ITRMC para sa karagdagang atensiyong medikal.
Na-diagnose ang biktima na nakaranas ng near-drowning na may aspiration component at kasalukuyang isinailalim sa pagmamasid ng mga doktor.
Kaugnay nito, muling nagpaalala ang Philippine Coast Guard sa publiko na sundin ang mga alituntunin sa kaligtasan sa mga dalampasigan, manatili lamang sa mga itinalagang swimming area at iwasang lumangoy sa mga lugar na may malakas na agos, lalo na kung hindi maganda ang kondisyon ng karagatan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








