Umabot sa 63,450 bangus fingerlings ang ipinamahagi ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources–National Fisheries Development Center o BFAR-NFDC bilang suporta sa pagbangon ng mga palaisdaang naapektuhan ng mga nagdaang bagyo, pagbaha at pinalakas na habagat sa Pangasinan.
Isinagawa ang pamamahagi mula September 9 hanggang 11 sa mga bangus grower, fisherfolk, kooperatiba at iba pang benepisyaryo sa ilalim ng National Bangus Development Program Year 4 Implementation.
Kabilang sa mga nabigyan ang mga benepisyaryo mula sa Binmaley, Mangaldan at San Carlos City, na gagamit ng mga fingerlings upang muling makapagsimula at makabawi sa kanilang produksyon matapos maapektuhan ang kanilang mga palaisdaan.
Samantala, 8,050 fingerlings ang inilaan sa Salapingao Fisherfolk Association, habang 10,000 fingerlings pa ang ipinamahagi sa iba pang fisherfolk. May isa ring bangus grower na nakatanggap ng fingerlings para sa rehabilitasyon ng kaniyang fishpond.
Bukod sa pagtulong sa production recovery, 400 fingerlings ang ipinagkaloob sa student researchers ng Calasiao Comprehensive National High School para sa kanilang pag-aaral sa oxygenation activity gamit ang green microalgae hydrobeads.
Layunin ng kanilang proyekto na makahanap ng sustainable na paraan upang mapanatili ang sapat na oxygen sa aquaculture systems at makatulong sa pag-iwas sa fish kill.
Ayon sa BFAR-NFDC, bahagi ng programa ang patuloy na suporta sa mga fisherfolk at bangus growers, pagsusulong ng aquaculture research, at pagpapanatili ng produksyon ng bangus sa bansa. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣






