
Tuloy-tuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Tayum Municipal Police Station at Abra Police Provincial Office matapos ang pamamaril na nangyari sa Barangay Bumagcat, Tayum, Abra na ikinamatay ng gurong pitong buwan nang buntis.
Ayon kay PCapt. Cerel Gaspili, Acting Chief of Police ng Tayum MPS, kinilala ang 36-anyos na biktima na si Maria Elain Valencia, mula sa Barangay Pawa, Lagangilang, Abra at isang guro sa Taguig City.
Batay sa imbestigasyon ng Tayum MPS, ang biktima ay nakaangkas sa motorsiklo na minamaneho mismo ng kaniyang asawa at papunta sana sa isang bus terminal sa bayan ng Bangued nang biglang pagbabarilin ng riding-in-tandem.
Nagtamo ang biktima ng dalawang tama ng bala sa hita at isa sa tiyan, at dinala sa pinakamalapit na ospital sa Abra.
Kalauna’y inilipat ito sa isang ospital sa Bantay, Ilocos Sur ngunit dito na binawian ng buhay ang biktima, maging ang sanggol sa kaniyang sinapupunan.
Narekober naman ng mga awtoridad ang ilang mga basyo ng kalibre 45 na siyang ginamit sa pamamaslang.









