
Nakahanda na ang kasong isasampa sa pulis na nag-viral na nanakit ng kaniyang kalive-in partner sa Bulacan.
Sa pulong balitaan na ginanap sa Kampo Krame sinabi ni Malolos City Police PLt.Col. Rommel Geneblazo na kasong paglabag sa RA 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act ang inaasahang isasampa sa nasabing pulis.
Kaugnay nito ayon pa kay Geneblazo, nag-ugat ang nasabing away dahil sa pag-off ng location ng pulis.
Samantala ng kausapin umano ang nasabing sangkot na pulis ay nabigla lang umano ito sa pangyayari.
Base naman sa pahayag ng biktima, ito ang pangalawang pananakit ng pulis sa kanya kung saan ang huli ay ang nasabing viral video na nangyari noong March 12.
Sa ngayon, nasa kustodiya ng Malolos Police ang nasabing pulis na nauna nang naiulat na ni-relieve na rin sa pwesto habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Tiniyak naman ng pulisya na patuloy ang pagbabantay sa biktima at pamilya nito para sa kanilang seguridad.










