
Hinatak ng mga pulis ang ilang motorsiklo na nakaparada sa kahabaan ng EDSA White Plains sa Quezon City.
Sa harap ito ng pagbagal ng usad ng trapiko sa tapat ng White Plains kung saan idinadaos ang ikalawang araw na rally ng Iglesia ni Cristo (INC).
Ang mga hinatak na motor ay isinakay sa tow truck at dinala sa impounding area sa Marikina City.
Patuloy naman ang paalala ni Quezon City Police District Chief PIO PMajor Jennifer Gannaban sa mga may-ari ng nakaparadang motor at sasakyan sa EDSA Northbound na tanggalin at ilipat ito sa itinakdang parking area sa Temple Drive.
Sa ngayon, wala pang inilalabas ang Quezon City Department of Public Order and Safety (QC-DPOS) na approval ng permit ng INC para sa ikatlong pagtitipon bukas, July 2.
Ayon sa QC-DPOS, patuloy pa ang ginagawang pagpupulong at assessment kung aaprubahan ba ang aplikasyon ng INC para sa permit.
Partikular na nire-review ng QC-DPOS kung may nalabag ba ang INC sa kanilang mga inilatag na probisyon.










