
Ipinanawagan ng ina ng isa sa mga biktima ng school shooting incident sa Tacloban City na panagutin ang mga magulang at guardian ng mga menor de edad na suspek sa pamamaril.
Ito ay matapos na tukuyin sa pagdinig ng Senate Committee on Women na biktima rin ang mga batang suspek.
Sa pagdinig, iginiit ni Ginang Jennelyn Badoria, ina ng nasawing biktima na si Joyancee Separa, na kung biktima palang maituturing si alias ‘Nash’ ay dapat papanagutin ang mga magulang nito at ang tiyahin na pulis na si PSSG. Arla Ray Paciencia na nagturo sa kanyang pamangkin kung papaano gumamit ng baril.
Bagaman nauunawaan ng ginang na may pinagdadaanan ang bata pero dapat managot ang mga matatandang nakapaligid dito para mabigyang-hustisya ang puno’t dulo kung bakit nakagawa ng krimen ang bata.
Samantala, lumabas na bestfriend ni alias ‘Nash’ ang isa sa mga biktima na kanyang binaril na naka-survive at kasalukuyang nasa ospital pa.
Inamin ni Janica Bituin na bestfriend ng kanyang kapatid na si Gerric si alias ‘Nash’ at magkakaklase rin ang mga ito, kasama ang isa pang suspek na si alias ‘Rod’ noong sila ay nasa Grade 8.
Sinabi pa ni Janica na batay sa kanyang kapatid, binaril siya ni alias ‘Nash’ sa likod na tumagos sa leeg at sa may baba at ito lang ang may dalang baril.
Sinabi naman ng ama ng isa sa victim-survivor na si Rolando Lapidario na nagawa pang mag-text at makapagbiro ng kanyang anak na si Kaye sa kabila ng tamang tinamo sa balakang na tumagos sa pribadong parte at sa kabilang binti.
Dagdag ni Ginoong Lapidario, ang kanyang anak lang ang nabaril sa kanilang klase dahil ito ang nagsara ng pinto ng kanilang classroom at nagprotekta sa mga kaklase para hindi sila mapasok ng shooter.










