Friday, June 26, 2026

Pagrepaso sa mga mararahas na video games na maaring magdulot ng copycat behavior sa mga kabataan, suportado ng PNP

Suportado ng Philippine National Police (PNP) ang masusing pagrepaso sa mga mararahas na video games sa gitna ito ng pangamba na maaaring magdulot ng panggagaya o copycat behavior sa mga kabataan.

Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., naniniwala ang PNP na ang anumang proposal kagaya ng pag-ban ay dapat na maiging suriin ng Kongreso at kaugnay na ahensya ng pamahalaan para matiyak na ang mga polisya ay batay sa pag-aaral at interes ng mga kabataan.

Nabatid na nauna nang nanawagan si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na pag-aralan ang mga posibleng hakbang laban sa mararahas na video game, kabilang ang posibleng pagbabawal sa mga larong tulad ng GoreBox.

Kaugnay nito, inatasan ni Nartatez ang lahat ng Police Regional Offices at mga lokal na unit ng pulisya na higit pang paigtingin ang pakikipag-ugnayan sa mga paaralan, school administrators, at mga Local Government Units (LGUs) hinggil sa kaligtasan sa mga paaralan at pagsubaybay sa mga posibleng banta.

Bukod dito ay inatasan rin ng liderato ng PNP ang Anti-Cyber Crime Group na subaybayan ang online space sa posibleng panghihikayat ng karahasan sa mga paaralan at sa mga copycat attacks.

Hinimok naman ni Nartatez ang mga magulang, eskwelahan at komunidad na i-monitor ang online activites ng mga kabataan.

Facebook Comments