702 SENIOR CITIZENS SA DAGUPAN CITY, TUMANGGAP NG 4TH QUARTER SOCIAL PENSION

Kabuuang 702 senior citizens mula sa mga barangay ng Bonuan Binloc, Bonuan Boquig, at Bonuan Gueset ang nakatanggap ng kanilang ikaapat na quarter social pension para sa mga buwan ng Oktubre, Nobyembre, at Disyembre.

Isinagawa ang payout ngayong Huwebes, Oktubre 29, bilang bahagi ng patuloy na pagbibigay ng tulong pinansyal sa mga nakatatandang mamamayan ng lungsod.

Naging katuwang sa pamamahagi ang Federation of Senior Citizens Association of the Philippines (FSCAP)–Dagupan, Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA), at City Treasurer’s Office upang matiyak ang maayos na paghahatid ng benepisyo sa mga kwalipikadong senior citizen.

Samantala, patuloy ding inilalapit sa mga nakatatanda ang YAKAP at GAMOT Program sa pakikipagtulungan ng City Health Office upang mabigyan sila ng access sa libreng gamot at makatulong na mabawasan ang kanilang gastusin sa pang-araw-araw.

Sa pamamagitan ng mga programang ito, layunin ng lokal na pamahalaan na mapalakas ang suporta sa mga senior citizen, lalo na sa kanilang mga pangangailangang pinansyal at pangkalusugan.

Patuloy namang isinusulong ang mga serbisyong nagbibigay-pansin sa kapakanan ng mga nakatatanda bilang pagkilala sa kanilang mahalagang papel sa pamilya at komunidad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments