
Para sa kaligtasan at kaayusan ng publiko, maagang isinailalim sa pagsasa-ayos ng lokal na pamahalaan ng Caloocan ang Tala at Bagbaguin Cemetery.
Unang inaspalto ang mga daanan sa loob ng sementeryo saka tinabas ang mga sanga at damo na maaaring makasagabal at magdulot ng panganib sa mga dadalaw.
Tuloy rin ang paglilinis at pagpipinta sa sementeryo habang isinaayos na rin ang mga daanan mula Gate 3 malapit sa Apartment Area at Gate 7 hanggang Gate 9.
Kaugnay nito, isinusulong ng Caloocan LGU ang bagong sistema sa Tala Cemetery kung saan gagamitin ang Gate 1, 2, at 3 bilang pasukan at labasan ng mga bibisita.
Mahigpit na seguridad ang ipapatupad kasabay ng pagpa-alala sa mga bibisita sa dalawang sementeryo na mag-doble ingat sa posibleng sobrang init ng lagay ng panahon.
Nag-abiso naman ang City Health Department na hanggang ngayong araw, Oktubre 28 ang huling araw ng pagpapalibing habang ang paglilinis sa mga puntod ay hanggang Oktubre 29 na lamang.
Nabatid na tinatayang aabot sa 150,000 hanggang 200,000 ang inaasahang dadagsang bisita sa Tala Cemetery habang nasa 50,000 hanggang 60,000 naman ang inaasahang magpupunta sa Bagbaguin Cemetery.










