
Cauayan City – Tinanggal sa serbisyo ang 76 na pulis mula sa Police Regional Office 2 (PRO2) mula 2022 hanggang 2024 dahil sa iba’t ibang reklamong administratibo, ayon sa Discipline, Law and Order Section (DLOS) ng PRO2.
Ayon kay DLOS Chief, Police Major Isabelita Gano, umabot sa 323 ang bilang ng mga pulis na nasampahan ng iba’t-ibang kaso kung saan, 288 ang naresolba, 200 ang napatawan ng parusa, habang 76 naman ang tuluyang natanggal sa serbisyo.
Karamihan sa mga tinanggal ay may kaugnayan sa iligal na droga at absence without official leave (AWOL), habang ang ibang pulis ay pinatawan ng mas magaan na parusa tulad ng multa o demotion dahil sa mga kasong katulad ng hindi pagsusuot ng tamang uniporme o hindi pagsusumite ng report sa tamang oras.
Kasama rin sa mga naresolbang kaso ang apat na pulis at isang non-uniformed personnel (NUP) na sangkot sa paluwagan scheme sa Cagayan, habang isa sa sa kanila ang natanggal sa serbisyo, tatlo ang na-demote, at ang NUP ay sinuspinde ng anim na buwan.
Dahil sa patuloy na pagdami ng mga administratibong kaso, magsasagawa ng information and education campaign ang DLOS ngayong taon sa lahat ng PNP units sa rehiyon upang mapigilan ang mga ganitong insidente at mapanatili ang disiplina sa hanay ng kapulisan.