
Naghain ng liham si House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-List Representative Antonio Tinio sa Ombudsman ngayong Martes, May 19 para paimbestigahan ang 80 sa 121 flood control projects sa 1st district ng Davao Region simula noong 2019 hanggang 2022 na pinaniniwalaang “red flag” o may marka umano ng anomalya.
Nagkakahalaga umano ang nasabing mga proyekto ng P4.4-B na nakitaan ng overlapping at overpricing, gaya ng shortchanging o pagbuo ng proyekto na kulang sa sukat gamit ang nakalaang pondo at mga general na kontrata kung saan hindi nakasaad kung ano ang mga eksaktong proyekto na kailangang gawin.
Ayon kay Tinio, dinala at tinaggap na ito sa ICI noong nakaraang taon pero ang natanggap lang umano nila na respond ay isang liham na may nakalagay na “noted”, pero wala naman umanong nangyari hanggang sa nabuwag na ang nasabing komisyon.
Maliban sa liham, nagsumite rin si Tinio ngayong Martes sa Ombudsman ng analysis o pagsusuri sa mga specific projects.
Samantala, matatandaang sakop ni Davao Representative Paolo Duterte ang nasabing distrito habang kabilang naman sa mga malaking kontraktor ng nasabing mga proyekto ang Genesis 88 na pagmamay ari ng dating presidential adviser ni former President Rodrigo Duterte.










