
Wala pang pinal na desisyon kung hihirit pa ang pamahalaan ng supplemental budget para tugunan ang epekto ng krisis sa Middle East.
Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, sinabi ng Department of Budget and Management (DBM) na kailangan munang dumaan sa inter-agency assessment upang matukoy ang tunay na pangangailangan at kakayahan ng gobyerno sa pondo.
Kasabay nito, itinuloy ngayong May 19 ang pagpupulong para sa UPLIFT o Unified Package for Livelihood, Industry, Food and Transport program na nakatuon sa pagtugon sa taas-presyo ng langis at epekto ng tensyon sa Middle East sa ekonomiya ng bansa.
Nauna nang sinabi ni Castro na binago na ang dating lingguhang UPLIFT meeting dahil tuloy-tuloy naman umano ang trabaho ng mga ahensya para mabawasan ang epekto ng krisis.
Samantala, walang nakatakdang Legislative-Executive Development Advisory Council o LEDAC meeting ngayong araw, at wala ring ibinigay na paliwanag ang Malacañang kung bakit ito hindi natuloy.










