
Nagpositibo sa gunshot residue test ang nagpakilalang National Bureau of Investigation (NBI) Driver na inaresto kasunod ng shooting incident sa loob ng Senado noong May 13, Miyerkules.
Ang nasabing ulat ay kinumpirma ni Southern Police District (SPD) Chief PIO PLT. Margaret Panaga sa DZXL-RMN Manila.
Nabatid na walang nakuhang baril ang mga awtoridad sa nasabing indibdwal kundi mga bala at magazine lamang ang narekober dito.
Nauna na ring binanggit ng Philippine National Police (PNP) na bukod sa nasabing naarestong lalaki ay may iniimbestigahan pa silang humigit-kumulang na sampung indibidwal na posibleng may kinalaman sa nangyaring shooting incident sa loob ng Senado.
Kung saan tinitingnan na ang mga nasabing indibidwal kung sila ba ay kabilang sa mga nagpaputok ng baril, mga empleyado o mga taong nandoon lamang.
Nanawagan naman ang PNP na maging mahinahon kaugnay ng insidente at nangakong ilalabas agad ang resulta ng buong imbestigasyon.










