
Iginiit ni Senator Sherwin Gatchalian na dapat tulungan ang mga pinakamahihirap na kababayan sa bansa.
Ito ang tugon ng senador kaugnay sa pagkwestyon ng mga middle-income earners kung bakit sa kanila pinasasalo ang bill ng kuryente ng mga kabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Ayon kay Gatchalian, kung hindi tutulungan ang mga pinakamahihirap ay lalo lamang silang mas mahihirapan sa buhay.
Maliit lang aniya ang tulong na naibibigay sa mga pinakamahihirap na aabot lang ng 50 kilowatt sa kada pamilya.
Katumbas lamang aniya ito ng isang maliit na ref, maliit na electric stove at ilang ilaw lang.
Kasama ang isyung ito sa tatalakayin sa pagdinig ng Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (PROTECT) Committee kasama ang isyu ng sobrang mataas na singil sa generation charge.










