REPATRIATED OFWS SA PANGASINAN, INASISTEHAN PARA MAKABALIK SA TRABAHO

Nabigyan ng pagkakataon ang mga repatriated overseas Filipino workers (OFWs) na muling makapagsimula sa ginanap na Labor Day Job Fair sa Lingayen, Pangasinan noong Mayo 1, 2026.

Pinangunahan ito ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan sa pamamagitan ng Provincial Public Employment Service Office (PESO) at Department of Labor and Employment (DOLE).

Sa panayam ng IFM News Dagupan kay Provincial PESO Manager Ma. Richelle Raguindin, inihanda sa job fair ang mga serbisyo para sa kanilang pagbabalik-trabaho kabilang ang financial assistance at trainings.

Sa preregistration ng job fair, naitala ang mahigit 400 aplikante, kung saan higit sa 80 ay mga repatriated OFWs.

Isa sa mga benepisyaryo, si Christopher, ang nagsabing mahalaga ang ganitong suporta para sa mga napilitang umuwi mula sa Middle East dahil sa umiiral na tensyon sa rehiyon.

Samantala, patuloy naman umano ang pakikipag-ugnayan ng mga OFW federation sa provincial PESO upang mas mapalawak ang tulong sa mga repatriated OFWs sa iba’t ibang bayan at lungsod ng lalawigan.

Kaugnay nito, batay sa Department of Migrant Workers (DMW), umabot sa 7,900 ang naitalang repatriated Filipinos mula Marso 5 hanggang Abril 28, kaugnay ng lumalalang sitwasyon sa Middle East. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments