Pinaghahandaan na ng Regional Disaster Risk Reduction Management Council 1 ang inaasahang epekto ng El Niño sa isinagawang Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA) Scenario Building Meeting noong Abril 30, 2026.
Tinalakay sa pulong ang pinakahuling ulat sa lagay ng panahon at klima, kung saan ipinakitang nananatili ang ENSO-neutral na kondisyon sa Tropical Pacific batay sa datos hanggang Abril 22, 2026. Gayunman, ipinahihiwatig ng karamihan sa climate models na may mataas na posibilidad na mabuo ang El Niño sa pagitan ng Hunyo hanggang Agosto at maaaring tumagal hanggang unang bahagi ng 2027.
Batay sa pinakahuling pagsusuri sa dry condition, dry spell, at drought assessment para sa Abril 2026, nakararanas na ang Ilocos Region ng meteorological drought dahil sa mas mababang antas ng pag-ulan kaysa karaniwan.
Bilang tugon, inilahad sa pulong ang isang likely scenario na binuo mula sa pinagsamang datos ng mga ahensyang may kinalaman sa panahon, agrikultura, at serbisyong panlipunan. Iniharap din ang Regional Action Plan na magsisilbing gabay sa pagpapatupad ng mga hakbang sa paghahanda at pagresponde sa epekto ng El Niño.
Nagbahagi rin ng kani-kanilang mga plano at aktibidad ang mga lokal na opisyal at iba’t ibang ahensya, na nakatuon sa pagpapalakas ng kahandaan sa antas-probinsiya at komunidad.
Sa kabuuan, binigyang-diin sa pulong ang kahalagahan ng maagap na koordinasyon at sama-samang pagkilos upang mabawasan ang posibleng pinsala dulot ng El Niño, kasabay ng panawagan na paigtingin ang mga hakbang sa paghahanda sa lalong madaling panahon. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










