
Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) na isang barko ng China Coast Guard (CCG) ang namataan malapit sa mismong baybayin ng Zambales.
Ayon kay PCG Spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela, hinarang at itinaboy ang CCG Vessel 4305 na nasa layong 48 nautical miles lamang mula sa Pundaquit, Zambales.
Nakita aniya ang barko batay sa Dark Vessel Detection ng Canada at nakumpirma sa isinagawang maritime domain awareness flight.
Ilang beses umanong nagbigay ng radio challenge ang eroplano ng PCG pero hindi ito kinilala ng barko ng China.
Bukod sa air assets, idineploy din ng PCG ang BRP Cape San Agustin kung saan patuloy din silang nagbigay ng radio challenge para kuwestiyunun ang legal na basehan ng pananatili nila sa loob ng ating Exclusive Economic Zone.
Ayon sa PCG, hindi nila hahayaang gawing normal ang iligal na pagpapatrolya ng China sa karagatan ng Zambales na paglabag sa UNCLOS, Philippine Maritime Zones Act, at sa 2016 Arbitral Award.










