
Nagbabala si Liza Araneta-Marcos sa publiko laban sa mga scammer na gumagamit ng kanyang pangalan, larawan, at pekeng cellphone numbers para makapanloko.
Batay sa mga ibinahaging screenshots ng First Lady sa kanyang social media, ginagamit umano ng mga scammer ang kanyang pagkakakilanlan upang manghingi ng pera, humingi ng contact numbers ng mga senador, kongresista, at iba pang opisyal, magsagawa ng fundraising, at magpadala ng mga kahina-hinalang mensahe sa kanyang mga kakilala.
Mariing nilinaw ng Unang Ginang na wala siyang kinalaman sa mga naturang aktibidad at panlilinlang lamang ang mga ito.
Pinayuhan din niya ang publiko na huwag magbahagi ng personal na impormasyon, huwag magpadala ng pera, at huwag magpapadala sa mga mapagsamantala at nagpapakalat ng maling impormasyon.
Hinimok din ng First Lady ang mga biktima o sinumang makatanggap ng kahina-hinalang mensahe na agad itong ireport sa National Bureau of Investigation Cybercrime Division.










