Wednesday, June 10, 2026

Acting SP Win Gatchalian, nilinaw na hindi lockdown ang Senado

Nilinaw ni Acting Senate President at Senate President pro-tempore Win Gatchalian na hindi naka-lockdown ang Senado ngayon.

Kasunod na rin ito ng ibinabang direktiba ni Gatchalian na work-from-home ang lahat ng mga empleyado at kawani sa Senado at ang pagpapatupad ng heightened security measures matapos ang intelligence information na nakalap na may banta sa Mataas na Kapulungan.

Paglilinaw ni Gatchalian, hindi lockdown ang Senado kundi ang termino ay itinaas lamang ang seguridad.

Paliwanag ng senador, case-to-case basis kung kailangan papasukin ng OSAA sa loob ng Senado ang empleyado gaya na lamang ng mga nagtatrabaho sa finance and admin na kailangang ayusin ang sweldo ng mga kawani lalo’t kada linggo ang pagbibigay ng sahod sa Senado.

Idiniin pa ni Gatchalian na importante ang may koordinasyon at may valid grounds para payagang makapasok sa gusali.

Sakop din aniya ng heightened security ang mga senador kaya naman apela niya sa mga kapwa mambabatas na sumunod sa ipinatutupad ngayon na work arrangement.

Papayagan namang makapasok ang senador sa Senado kung may official business ito.

Facebook Comments