
Kinalampag ng mahigit 100 magsasaka mula sa iba’t ibang lugar sa bansa ang tanggapan ng Departement of Agrarian Reform (DAR) kasabay ng ika-38 taong anibersaryo ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ngayong Miyerkules ng umaga, June 10.
Mariing iginiit ng mga grupo ang umano’y palpak na pagpapatupad ng repormang agraryo, dahil majority pa rin umano ng mga magsasaka sa mga kanayunan ay wala pa ring sariling lupa.
Maliban dito, nananatiling kontrolado pa rin umano ng mga makapangyarihang pamilya at politiko ang milyon-milyong ektarya ng lupang pag-aari ng pamahalaan at iba pang malalawak na lupain.
Dagdag pa rito, nagpapatuloy pa rin umano ang pangangamkam ng lupa sa pamamagitan ng land banking, stock distribution schemes, at pagkakansela ng mga certificate of land ownership award.
Kulang na kulang din umano ang suportang pang-agrikultura tulad ng patubig, pautang at farm-to-market roads na kanilang natatanggap.
Dahil dito, nanawagan ang mga grupo sa Kongreso na isulong ang tunay na reporma sa lupa, buwagin ang monopolyo ng mga hasyendero at land developers, at ipagbawal ang conversion ng irrigated at prime agricultural lands upang matiyak ang seguridad sa pagkain sa bansa.










