Tuesday, November 10, 2026

ADJUSTED LEARNING ARRANGEMENT, IPATUTUPAD SA MGA PAMPUBLIKONG SECONDARY SCHOOL SA BALUNGAO DAHIL SA MATINDING INIT

I-aadjust ang learning arrangement ng mga mag-aaral sa mga pampublikong secondary school sa Balungao, Pangasinan upang mapangalagaan ang kalusugan at kaligtasan ng mga estudyante at guro sa gitna ng nararanasang matinding init ng panahon.

Sa ilalim ng inaprubahang plano ni Mayor Riza Peralta, isasagawa ang face-to-face classes tuwing umaga, habang modular learning naman ang ipatutupad sa tuwing hapon.

Napagkasunduan ang naturang pagbabago kasunod ng pakikipagpulong ng lokal na pamahalaan sa mga guro ng mga secondary school upang talakayin ang angkop na sistema ng pag-aaral sa harap ng tumitinding temperatura.

Sa pamamagitan ng adjusted learning arrangement, inaasahang mababawasan ang pagkakalantad ng mga mag-aaral at guro sa matinding init, habang matitiyak pa rin ang pagpapatuloy ng kanilang pagkatuto.

Bahagi rin ito ng mga hakbang ng lokal na pamahalaan upang maiwasan ang posibleng epekto ng sobrang init sa kalusugan ng mga nasa paaralan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments