Ayon sa Department of Health o DOH, libre ang mga bakuna sa mga pampublikong barangay health center sa ilalim ng National Immunization Program o NIP.
Ayon kay Genalyn Aquino, Midwife III ng City Health Office, nakatutulong ang tuloy-tuloy na pagbabakuna upang mapababa ang bilang ng mga batang nagkakasakit sa kanilang nasasakupan.
Bagama’t nabibigyan na ng bakuna sa ospital ang mga bagong silang na sanggol, nagpapatuloy pa rin ang kanilang pagsasagawa ng Bakuna Day upang matiyak na makukumpleto ng mga bata ang kinakailangang bakuna.
Katuwang din nila ang mga Barangay Health Worker o BHW na nagsasagawa ng house-to-house visits upang hikayatin ang mga magulang na hindi pa nakapagdala ng kanilang mga anak sa barangay health center.
Target ng health center na mabakunahan ang 41 na sanggol tuwing Miyerkules.
Tiniyak naman ni Aquino na sapat ang kanilang suplay ng mga bakuna at wala silang nararanasang kakulangan sa stocks dahil regular itong nagmumula sa Region I at City Health Office sa tulong ng DOH.
Dahil dito, muling hinikayat ng City Health Office ang mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak, lalo na ang mga bagong silang na sanggol, upang maiwasan ang mga sakit na maaaring magdulot ng panganib sa kanilang kalusugan.
Umaasa naman ang mga health worker na walang sanggol o batang maiiwan sa programa upang matiyak na lahat ay mabibigyan ng sapat na proteksiyon at pagkakataong lumaking malusog. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







