Tuesday, August 4, 2026

Agosto 29, idineklarang holiday sa Dasmariñas, Cavite para sa halalan sa nabakanteng puwesto ni Kiko Barzaga

Idineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Agosto 29, 2026 bilang special non-working day sa Lungsod ng Dasmariñas, Cavite upang mabigyan ng pagkakataon ang mga rehistradong botante na makaboto sa special election para sa nabakanteng puwesto sa House of Representatives.

Sa ilalim ng Proclamation No. 1369, nakasaad na isasagawa ang halalan matapos patalsikin ng House of Representatives noong Hunyo 2 si dating Cavite 4th District Rep. Elpidio “Kiko” Barzaga Jr. dahil umano sa kanyang “disruptive” at “disorderly behavior.”

Ayon sa batas, kailangang magsagawa ang Commission on Elections (COMELEC) ng special election kapag may permanenteng bakante sa House of Representatives at may natitira pang higit isang taon sa termino ng posisyon.

Limang kandidato ang maglalaban para sa puwesto. Ito ay sina Raul Rex del Rosario Mangubat, Marvin Opamin Dupal-ag, Leysander Aguilar Ordenes, Jacinto Bautista Frani Jr., at Dasmariñas City Mayor Jennifer Barzaga.

Facebook Comments