
Nagpaalala ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa lahat ng kanilang opisyal at empleyado na mahigpit umanong ipinagbabawal ang pagso-solicit o pagtanggap ng regalo, pabor, at pera habang ginagawa ang kanilang trabaho.
Kasunod umano ito ng mga ulat na natanggap ng departamento na may mga personnel umano ng DILG na ginagamit ang kanilang posisyon para mag-solicit ng pera, regalo, at pabor mula sa mga pribadong indibidwal, ahensya ng gobyerno, at Local Government Units (LGUs).
Mariing giniit ng departamento, mahigpit umano itong ipinagbabawal sa ilalim ng Section 7 ng Republic Act (RA) No. 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees at posible rin umanong magresulta ng pagkakatanggal sa serbisyo sakaling mapatunayang guilty sa nasabing alegasyon.
Dagdag pa rito, maaari rin umanong makulong ng hanggang 5 taon at pagmultahin ng P5,000 ang sinumang public official na lumabag sa nasabing batas.
Maliban sa RA No. 6713, maaari rin umanong malabag sa pagtanggap ng regalo ang RA No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act kung saan posibleng makulong naman ng hanggang 10 taon at sumailalim sa perpetual disqualification sa public office ang sinumang mapapatunayang guilty sa nasabing alegasyon.










