
Iginiit ni Senator Robinhood Padilla na haharangin nila sa minorya kung si Senator Chiz Escudero ang magiging presiding officer ng impeachment trial.
Kung si Padilla ang tatanungin, dapat na si Senate President Win Gatchalian ang presiding officer ng impeachment trial dahil malinaw aniyang nakasaad sa Konstitusyon na kapag ang presidente ang nahaharap sa impeachment ay ang chief justice ng Supreme Court ang magpe-preside pero kapag bise presidente pababa ay dapat Senate president.
Iginiit ni Padilla na kailangan nilang i-oppose o tutulan bilang mga miyembro ng minorya ang pagiging presiding officer ni Escudero ng impeachment court.
Punto ng senador, trabaho nila sa oposisyon na kwestyunin ang planong palitan ang presiding officer lalo na kung ito ay wala sa Konstitusyon.
Puna pa ni Padilla, parang baliktad pa aniya ang nangyayari dahil dapat ang mayorya ang humihimok kay Gatchalian na maging presiding officer bilang Senate president pero sa halip ay mistulang na-de-degrade o namamaliit pa ang kakayahan ng tao.
Gayunman, hindi pa ito napag-uusapan ng minorya dahil ang huling pagkakataon na nag-usap-usap sila ay noong special session pa.










