
Tinanggihan ni Senator Ping Lacson ang aniya’y alok na ceasefire matapos na ibulgar ang mga sinasabing maanomalyang flood control projects.
Sa X post ni Lacson, sinabi niyang “ceasefire my foot!”
Kinwestyon niya kung anong uri ng tao ang magdedeklara ng giyera, toy gun ang dala at laway ang bala na kapag nakompronta ng bomba ay hihirit ng ceasefire na pabulong pa.
Hindi naman tinukoy ni Lacson kung sino ang pabulong na humiling ng ceasefire.
Binigyang-diin pa ng senador na ang alok na ceasefire ng isang taong walang habas na umaatake nang walang anumang dahilan ay galawang ipokrito para makapagipon ng lakas at mapaghandaan ang pailalim na galaw.
Kung mababatid, nangalap ng mga documentary at testimonial evidence si Lacson kaugnay sa mga katiwalian sa infrastructure projects sa Taguig City na balwarte ng nakaalitan nitong si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano.
Nauna namang itinatanggi ni Cayetano ang alegasyon ng anomalya sa mga proyekto sa kanyang distrito.










