
Ang hindi paggalang sa State of the Nation Address (SONA) ay maituturing ding hindi paggalang sa Konstitusyon.
Ito ang iginiit ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro kasunod ng pahayag ni Vice President Sara Duterte na “waste of time” ang panonood ng SONA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Castro, hindi lamang tradisyon ang SONA kundi isang tungkuling malinaw na itinatakda ng 1987 Constitution upang iulat ng pangulo sa sambayanan ang tunay na kalagayan ng bansa at ang mga programa ng pamahalaan.
Dahil dito, sinabi niyang ang paghamak sa SONA ay hindi lamang pagbalewala sa talumpati ng pangulo kundi maging sa mandatong nakasaad sa Konstitusyon.
Kasabay nito, hinikayat ni Castro ang publiko na maging mapanuri at manatiling may alam sa mga nangyayari sa bansa.
Aniya, ang mga kulang sa impormasyon ang mas madaling malinlang at mamanipula.










