Apat na barangay sa Santo Tomas, Pangasinan ang kinilala ng Department of Health o DOH matapos makamit ang Grade 2 o G2 Basic Sanitation Status sa ilalim ng Philippine Approach to Sustainable Sanitation o PhATSS.
Kabilang dito ang San Agustin, Poblacion East, San Marcos at La Luna, na ginawaran ng certificates kasunod ng flag-raising ceremony noong Setyembre 28, 2026.
Dahil dito, umabot na sa lima ang mga barangay sa Santo Tomas na nakamit ang G2 Basic Sanitation Status, matapos na unang mabigyan ng naturang pagkilala ang Barangay Salvacion.
Sa ilalim ng PhATSS, ang G2 status ay nangangahulugang hindi lamang natitiyak ang pagtigil sa open defecation, kundi mayroon ding sanitary at functional toilets sa mga kabahayan, paaralan, child development centers at iba pang pampublikong pasilidad.
Batay sa 2024 Population Census ng Philippine Statistics Authority o PSA, may populasyong 1,599 ang San Agustin, 1,074 ang Poblacion East, 893 ang San Marcos at 903 ang La Luna.
Samantala, may populasyong 1,445 ang Barangay Salvacion, na naunang nakamit ang G2 status. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










