MGA ASPIRING CANDIDATE SA DAGUPAN, UMAASANG MATUTULOY PA RIN ANG BSKE 2026 ELECTION; PAGPAPALIBAN NG HALALAN KINUWESTIYON SA SC

Umaasa pa rin ang ilang naghahangad na kumandidato sa barangay at Sangguniang Kabataan sa Dagupan City na matutuloy ngayong taon ang BSKE, kasabay ng pagkuwestiyon sa Supreme Court sa batas na naglipat ng halalan sa 2028.

Sa Dagupan City, kabilang sa direktang naapektuhan ng pagpapaliban ang mga naghahanda sanang magsumite ng kanilang Certificates of Candidacy o COC.

Ilan sa mga aspiring candidate ang nagpahayag ng kagustuhang maituloy ang halalan ngayong 2026 upang mabigyan umano ang mga botante ng pagkakataong pumili ng kanilang mga susunod na lider sa barangay at SK.

Kaugnay nito, kinuwestiyon na ni election lawyer Atty. Romulo Macalintal sa Supreme Court ang Republic Act No. 12326, ang batas na naglipat sa nakatakda sanang November 2, 2026 BSKE sa November 2028.

Elektronikong inihain ni Macalintal ang kanyang petition for certiorari and prohibition noong gabi ng Setyembre 27 at personal siyang nagtungo sa Supreme Court kinabukasan para humiling ng agarang pag-aksyon sa kaso.

Kasama sa kanyang hinihingi ang Temporary Restraining Order o TRO at pagdedeklarang unconstitutional sa mga probisyon ng batas na kanyang kinukuwestiyon.

Sa ilalim ng RA 12326, itinakda rin sa limang taon ang termino ng mga halal na barangay at SK officials.

Sa ngayon, hindi na itinuloy sa Dagupan City ang nakatakda sanang paghahain ng COC para sa BSKE kasunod ng pagkakapirma sa bagong batas.

Nananatili namang nakasalalay sa magiging desisyon ng Supreme Court kung magkakaroon ng pagbabago sa kasalukuyang pagpapatupad ng RA 12326. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments