
Itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Atty. Benhur Abalos bilang bagong Cabinet Secretary ng administrasyong Marcos at nakatakdang manumpa ngayong hapon.
Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, inatasan si Abalos na maging pangunahing tagapayo ng Pangulo sa mga isyung may kinalaman sa pulitika sa loob at labas ng bansa.
Siya rin ang magsisilbing tulay ng pangulo sa mga ahensya ng pamahalaan, mga lokal na pamahalaan, mga organisasyon, at iba pang sektor sa mga usaping pampulitika.
Bukod dito, pamumunuan din ni Abalos ang Strategic Action and Response Office at pangangasiwaan ang mga tanggapan sa ilalim nito.
Binuwag ang posisyong ito sa ilalim ng Executive Order No. 1 na nilagdaan ni Pangulong Marcos noong 2022 bilang bahagi ng reorganisasyon ng Office of the President.
Sa muling pagbabalik ng naturang posisyon, si Abalos ang kauna-unahang itinalagang Cabinet Secretary sa administrasyong Marcos.
Matatandaang nagsilbi si Abalos bilang Kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG) bago siya nagbitiw sa puwesto upang tumakbo sa pagka-senador noong 2025.










