Thursday, July 23, 2026

CSC, may babala sa mga grupo at indibidwal na ginagamit ang pangalan at logo ng komisyon para manloko

Mariing iginiit ng Civil Service Commission (CSC) noong Miyerkules, July 22 na walang awtorisadong review center, organisasyon, o indibidwal na itinalaga ang komisyon para gumamit ng kanilang pangalan o logo para sa promotion, recruitment, solicitation, o enrollment.

Babala ito ng komisyon matapos makatanggap ng mga ulat na may mga indibidwal at grupo na gumagamit ng pagkakakilanlan at logo ng komisyon para manloko ng publiko.

Maliban dito, binigyang-diin din ng komisyon na hindi sila nagkakasa ng review classes, nagbebenta ng exam reviewers, o namamahagi ng review materials para sa Career Service Examination – Pen and Paper Test (CSE-PPT) sa darating na August 9 o sa iba pang test sa ilalim ng komisyon.

Ayon kay CSC Chairperson Marilyn Yap, hindi magdadalawang-isip ang komisyon na idaan sa ligal na usapan ang nasabing isyu.

Dagdag pa rito, posibleng maharap sa kasong kriminal at pagkakakulong ang sinumang indibidwal na mapapatunayang sangkot sa panloloko gamit ang pangalan ng komisyon.

Facebook Comments