
Tiniyak ni Senator Erwin Tulfo, Chairman ng Blue Ribbon Committee na agad rerepasuhin ang tungkol sa umano’y flood control projects sa lungsod ng Taguig na iniuugnay kay Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano.
Ayon kay Tulfo, oras na maisumite sa kanya ni Senator Ping Lacson ang mga nakalap na impormasyon ukol dito ay agad niyang ire-review para mapag-aralan.
Kailangan aniyang silipin ang naturang isyu dahil seryosong usapin ang natuklasang ghost projects sa lungsod.
Naunang isiniwalat ni Senator Ping Lacson sa kanyang social media post ang nakalap na impormasyon ng kanyang team na may P6.79 billion na budget insertions si Cayetano sa 2025 General Appropriations Act.
Ang naturang halaga ay pinalalaan sa 70 proyekto sa Taguig kung saan dalawa lang sa proyekto na nagkakahalaga ng P75 million ang naipatupad.
Tinukoy din ni Lacson ang napakaraming slope protection at drainage projects sa Taguig na parehong P100 million ang halaga bawat isa.
Nauna namang itinanggi ni Cayetano na walang ghost projects sa kanyang balwarte sa Taguig City na pinatotohanan na rin noon ng Department of Public Works and Highways (DPWH).










