Babae, arestado ng Malay PNP matapos pagnakawan isang Chinese Tourist

Malay, Aklan— Arestado ng mga otoridad ang isang babae matapos nitong pagnakawan ang isang Chinese National kahapon ng umaga sa D’Mall de Boracay, Balabag, Malay, Aklan. Ang suspek ay isang 63 anyos na babae at tubong Suba Poblacion, Cebu City. Base sa ulat ng Malay PNP, kasama ng biktima ang pamilya nito nang mangyari ang insidente ng pagnanakaw. Naglalakad ang mga ito sa harap ng isang souvenir shop nang may dalawang babae ang tumabi sa biktima, kung saan ang isa rito ay kinuha ang perang nagkakahalaga ng ₱20,000 sa gray sling bag ng biktima. Sa isinagawang pagkalap ng impormasyon ng Malay PNP sa nasabing insidente, naaresto ng mga ito ang isa sa dalawang suspek makalipas ang ilang oras. Samantala, ang 63 anyos na suspek ay dinala sa Malay Municipal Police Station para sa karampatang disposisyon. Patuloy pa sa ngayon ang imbestigasyon ng mga kapulisan sa lokasyon ng isa pang suspek.
Facebook Comments