Pinasinayaan at binasbasan kahapon, Lunes, Oktubre 6, ang bagong dalawang palapag na gusali na may anim na silid-aralan sa Dagupan City National High School. Kumpleto ito sa mga bagong mesa at upuan na gagamitin ng mga mag-aaral.
Ayon sa pamahalaang lungsod, bahagi ang proyekto ng pagpapatuloy ng mga programa para sa pagpapabuti ng mga pasilidad pang-edukasyon sa Dagupan.
Matatandaan na kamakailan ay inaprubahan na ang ₱2.66 bilyong 2026 Investment Program ng lungsod. Kasalukuyan namang isinasailalim sa pag-apruba ng Sangguniang Panlungsod ang panukalang ₱1.838 bilyong taunang budget para sa 2026, na kinabibilangan ng mga proyektong nakatuon sa sektor ng edukasyon.
Batay sa ulat, mahigit ₱1 bilyon na ang nailaan ng lungsod para sa edukasyon sa nakalipas na tatlong taon, kabilang na ang ₱250 milyong pondo para sa scholarship program ng mga mag-aaral. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









