
Hindi maiiwasan ang imbestigasyon sa ilang gusali at establisyementong napinsala matapos ang 7.8-magnitude na lindol sa Mindanao.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, mahalagang masuri kung nakasunod ang mga apektadong istruktura sa umiiral na building code o kung ang pinsala ay dulot lamang ng tindi ng lindol.
Aniya, sa pamamagitan ng pagsusuri ay matutukoy kung may naging pagkukulang sa disenyo at konstruksyon ng mga gusali o kung force majeure ang naging dahilan ng pagkasira ng mga ito.
Sinabi rin ni Castro na hindi na kailangang maglabas pa ng hiwalay na direktiba si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. dahil batid na ng mga engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mga kinakailangang hakbang sa ganitong sitwasyon.
Gayunman, binigyang-diin ng Malacañang na ang agarang pagtulong sa mga pamilyang naapektuhan ng lindol ang pangunahing prayoridad ng pamahalaan habang isinasagawa ang mga kinakailangang pagsusuri sa mga napinsalang istruktura.










