Bagong Santo Papa, inaasahang magdadala ng pagkakaunawaan at pagkakaisa ng mundo

Nagpaabot ng kanilang pakikiisa at panalangin para sa bagong Santo Papa na si Pope Leo XIV ang ilan pang senador.

Umaasa si Senator Sherwin Gatchalian na ang pamumuno ni Pope Leo XIV sa Simbahang Katolika ay magsusulong ng dayalogo at pagkakaisa na ngayon ay kinakailangan ng buong mundo dahil sa mga kinakaharap na iba’t ibang hamon.

Dalangin ng mambabatas na maging inspirasyon ng kabutihan, katarungan, at kapayapaan sa bawat sulok ng mundo ang papacy ni Pope Leo XIV.

Nakikiisa at nagbubunyi rin si Senator Lito Lapid sa pagkakahirang kay Cardinal Robert Francis Prevost at hinahangad niyang gamiting kasangkapan ng Maykapal ang Santo Papa para pangalagaan ang mga mananampalataya, pangunahan ang simbahan na malagpasan ang mga krisis, maging boses ng mga inaapi, at liwanag para sa mga naghahanap ng gabay sa buhay.

Sinabi naman ni Senator JV Ejercito na isang bagong liwanag para sa mga mananampalataya si Pope Leo XIV at umaasa siyang ang pamunuan nito ay maghatid ng karunungan at pagasa para sa lahat.

Kasama naman sa dalangin ni Senator Loren Legarda na maging malakas na boses ng social justice ang bagong Santo Papa at gabayan ang mga Katoliko ng may tapang at mabuting paggabay.

Facebook Comments