
Cauayan City – Natapos na ang konstruksyon ng isang palapag na gusali ng paaralan sa Lanting Elementary School sa Roxas, Isabela.
Ang proyektong ito ay naisakatuparan sa pangunguna ng Department of Public Works and Highways – Isabela 2nd District Engineering Office (DPWH-ISDEO).
May lawak itong 126 square meters at naglalaman ng dalawang silid-aralan na may ceiling fans, upang matiyak ang mas komportableng pag-aaral ng mga mag-aaral.
Ayon kay District Engineer Jose Tobias, ang naturang proyekto ay isang mahalagang hakbang upang mapabuti ang kalidad ng edukasyon sa pamamagitan ng pagbibigay ng maayos at kaaya-ayang pasilidad para sa mga mag-aaral.
Ang proyekto ay pinondohan sa ilalim ng CY 2024 Basic Educational Facilities Fund (BEFF) at matagumpay na natapos noong huling bahagi ng 2024.