TITULO NG LUPA PARA SA SATELLITE TRAINING CENTER, NATANGGAP NA NG BFP REGION 2

Cauayan City – Natanggap na ng Bureau of Fire Protection Region 2 ang titulo ng 7.2 hectares ng donated na lupa para sa itatayong Satellite Training Center sa Mallig, Isabela.

Ang lupa ay opisyal na ipinagkaloob ng Pamahalaang Lokal ng Mallig sa pangunguna ni Mayor Jose Philip F. Calderon.

Ang nasabing titulo ay tinanggap ni Fire Chief Superintendent Jesus P. Fernandez, Officer-in-Charge ng BFP Mallig, kasama si Regional Director Fire Chief Superintendent Jerry C. Lamanero, at Provincial Fire Marshal Fire Senior Superintendent Atty. Archie R. Andumang kasama ang iba pang opisyal ng BFP Region 2, at mga kawani ng LGU.

Ang bagong Satellite Training Center ay magsisilbing pangunahing pasilidad sa rehiyon para sa pagsasanay ng mga bumbero, kung saan magkakaroon ng modernong kagamitan at pasilidad para sa mas epektibong paghahanda sa mga emergency situations.

Ngayong magkakaroon na ng Satellite Training Center sa rehiyon, sinabi ni FCSUPT Fernandez na hindi na kinakailangan pang magtungo ng mga kawani ng BFP Fire National Training Institute sa Laguna upang makumpleto ang kanilang pagsasanay.

Samantala, nagpasalamat naman si Provincial Fire Marshal Andumang sa Pamahalaang Lokal ng Mallig para sa kanilang suporta at donasyon, na aniya’y isang mahalagang hakbang tungo sa mas pinaigting na serbisyong pangkaligtasan sa sunog sa rehiyon.

Facebook Comments