Monday, August 10, 2026

Baha sa CAMANAVA, hindi na kasinglala ng dati —MMDA

Ipinagmalaki ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na mas naging manageable ang pagbaha sa ilang dating malalang bahain na lugar sa Metro Manila, kabilang ang CAMANAVA area, sa kabila ng tuloy-tuloy na pag-ulan.

Ayon kay MMDA Chairperson Don Artes, hindi na umano kasinglala ng dati ang pagbaha sa Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela (CAMANAVA), kung saan dati ay mabilis lumubog ang ilang lugar kapag ilang araw nang umuulan.

Nanatili rin umanong passable ang mga pangunahing kalsada sa Metro Manila, kabilang ang España Boulevard, Shaw Underpass, Aurora Boulevard at P. Tuazon Underpass.

Sinabi ni Artes na malaking tulong dito ang Oplan Kontra Baha, kabilang ang patuloy na pag-drain sa mga waterways para mapabilis ang agos ng tubig at madagdagan ang kapasidad ng mga daluyan.

Batay sa PAGASA, halos katumbas ng isang buwang pag-ulan ang ibinuhos ng pinagsamang epekto ng mga bagyo at Habagat sa ilang lugar sa bansa sa loob lamang ng siyam na araw.

Samantala, Parañaque City ang kabilang sa mga lugar na nakaranas ng mas matinding pagbaha matapos ma-overwhelm ang mga daluyan ng tubig at pangunahing ilog doon.

Facebook Comments