Monday, August 10, 2026

Mahigit 6-K indibidwal sa QC pansamantalang tumutuloy sa evacuation centers

Umabot na sa 6,143 indibidwal o katumbas ng 1,705 pamilya ang nasa 35 evacuation centers sa Quezon City.

Ito ay dahil pa rin sa mga naranasang pag-ulan at pagbaha dulot ng habagat.

Ayon sa Lokal na Pamahalaan ng QC, nasa 19 na barangay mula sa lungsod ang may mga residenteng inilikas.

Pinakamarami sa mga ito ang naitala sa ikalawang distrito ng lungsod kung saan mahigit 3,000 ang evacuees kabilang ang Barangay Bagong Silangan.

Nagsagawa rin ng preemptive evacuation sa Barangay Novaliches Proper at Barangay Sta. Monica.

Ayon sa LGU, humupa naman na ang mga pagbaha sa karamihan ng mga kalsada sa lungsod dahil sa patuloy na declogging operations.

Patuloy naman na nakaantabay ang Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Council at iba pang ahensya para masiguro ang mabilis at maayos na pagresponde.

Facebook Comments