Wednesday, July 22, 2026

BAHAGI NG POZORRUBIO–MANAOAG ROAD, PANSAMANTALANG ISASARA SA HULYO 25 PARA SA AUTISM FUN RUN; MGA MOTORISTA, PINAPAYUHANG DUMAAN SA IBANG RUTA

Inanunsyo ng Pamahalaang Bayan ng Pozorrubio ang pansamantalang pagsasara ng bahagi ng Caballero Street sa Poblacion District I o ang Pozorrubio–Manaoag Road sa Pozzorubio, Pangasinan sa Sabado, Hulyo 25, 2026, upang bigyang-daan ang idaraos na Autism Fun Run.

Ayon sa inilabas na traffic advisory, ipatutupad ang road closure mula alas-5 hanggang alas-10 ng umaga. Pansamantala muna umanong hindi papayagang dumaan ang lahat ng uri ng sasakyan sa naturang bahagi ng kalsada.

Pinapayuhan ang mga motorista na gumamit ng mga alternatibong ruta upang maiwasan ang abala sa biyahe at makatulong sa maayos na daloy ng trapiko.

Hinikayat din ng lokal na pamahalaan ang publiko na makiisa sa pagpapanatili ng kaayusan at kaligtasan ng mga kalahok sa fun run at ng iba pang gumagamit ng kalsada.

Inaasahang magtitipon ang mga kalahok at mga tagasuporta ng aktibidad bilang bahagi ng pagsusulong ng kamalayan at suporta para sa autism.

Facebook Comments