Sunday, September 13, 2026

Show cause order ng LTO, inilabas laban sa aktor dahil sa pekeng plaka ng supercar

Inisyuhan ng show cause order ng Land Transportation Office (LTO) ang isang aktor at ang driver nito matapos mahuling gumagamit ng umano’y pekeng plaka ang kaniyang supercar sa pampublikong kalsada.

Lumalabas sa beripikasyon ng ahensya na ang plate number na ginagamit ng naturang sasakyan ay may ibang alphanumeric combination kumpara sa orihinal na motor vehicle license plate number na nakatalaga rito.

Dahil dito, pinagpapaliwanag ng LTO Intelligence and Investigation Division ang may-ari at driver kaugnay ng posibleng paglabag sa Use of Number Platers, gayundin, kung bakit hindi dapat bawiin ang kanilang lisensya bilang Improper Person to Operate a Motor Vehicle.

Ipinatupad na rin ang 90-day preventive suspension sa lisensya ng driver, habang inilagay naman sa alarm status ang luxury car para ma-impound.

Binigyang-diin ni LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao na walang VIP o palakasan sa pagpapatupad ng batas, at ipinaalala sa mga motorista na tiyaking legal ang mga plaka at dokumento ng kanilang sasakyan.

Facebook Comments