Dalawang lalaki ang nakulong matapos mahulihan ng hinihinalang shabu sa magkahiwalay na operasyon ng pulisya sa Dagupan City noong Agosto 17.
Tinatayang 7.4 gramo ng hinihinalang shabu ang nakuha sa dalawang suspek, na kapwa residente ng Mangaldan, Pangasinan.
Isang 28-anyos na construction worker ang nahuli sa unang operasyon. Nasa kanyang pag-iingat ang humigit-kumulang 5 gramo ng hinihinalang shabu, na tinatayang nagkakahalaga ng ₱34,000, kasama ang buy-bust at boodle money.
Pinangunahan ng Police Station 3 ang operasyon kasama ang City Police Drug Enforcement Unit (CPDEU), City Intelligence Unit (CIU), PNP DEG SOU1 at PDEA Regional Office 1.
Sa isa pang buy-bust operation na isinagawa ng Police Station 1, naaresto naman ang isang 23-anyos na mekaniko. Nakumpiska sa suspek ang tinatayang 2.4 gramo ng hinihinalang shabu, na may halagang ₱16,320, isang motorsiklo, at buy-bust at boodle money.
Kasalukuyang nakakulong ang dalawang lalaki sa DCPO Custodial Facility habang inihahanda ang mga kaso sa ilalim ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣











