BAHAGI NG PROVINCIAL ROAD SA MANGALDAN, SARADO HANGGANG DISYEMBRE 15; MGA MOTORISTA, KAILANGANG DUMAAN SA ALTERNATIBONG RUTA

Pansamantalang isasara sa mga motorista ang isang bahagi ng Barangay Maasin Provincial Road, partikular sa Zone 3, Barangay Maasin sa bayan ng Mangaldan, Pangasinan, dahil sa isinasagawang pagkukumpuni at pagsesemento ng kalsada.

Batay sa public advisory na inilabas ng pamunuan ng Barangay Maasin, nagsimula ang pagsasara ng kalsada nitong Nobyembre 2, 2026 at inaasahang magtatagal hanggang Disyembre 15 ng taong ito.

Kaugnay nito, pinayuhan ang mga motorista, residente at iba pang biyahero na gumamit ng mga alternatibong ruta upang maiwasan ang posibleng abala at pagkaantala sa kanilang biyahe.

Pinag-iingat din ang publiko sa pagdaan sa nasabing lugar habang isinasagawa ang road concreting.

Samantala, humingi naman ng pang-unawa at kooperasyon ang pamunuan ng barangay sa mga posibleng abalang maidudulot ng pansamantalang pagsasara.

Layunin ng proyekto na mapabuti ang kondisyon ng kalsada at matiyak ang mas ligtas na pagdaan ng mga motorista at residente sa lugar. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments