2 RIDER NG MOTORSIKLO, PATAY SA SALPUKAN SA URDANETA CITY; ANGKAS, SUGATAN

Nasawi ang dalawang driver ng motorsiklo matapos magkasalpukan ang kanilang mga sasakyan sa Manila North Road, Zone 6, Barangay Nancayasan sa Urdaneta City, Pangasinan, dakong alas-sais ng gabi noong November 1, 2026.

Kinilala ang mga nasawi na isang 55-anyos na driver ng Suzuki Raider 150 at isang 37-anyos na driver ng Honda Click 125.

Ayon sa paunang imbestigasyon ng pulisya, binabaybay ng Suzuki Raider ang southbound lane nang tangkain namang mag-overtake ng Honda Click na nagresulta sa pagpasok nito sa kasalungat na linya at direktang pagbangga sa paparating na motorsiklo.

Dahil sa lakas ng salpukan, tumilapon sa kalsada ang dalawang motorsiklo at ang angkas ng Suzuki Raider.

Agad na isinugod sa Urdaneta District Hospital ang dalawang driver at ang angkas.

Gayunman, idineklarang dead on arrival ang dalawang driver, habang nananatiling nasa ospital at sumasailalim sa gamutan ang 35-anyos na angkas.

Nadiskubre rin sa imbestigasyon na nakasuot ng protective helmet ang dalawang driver nang mangyari ang aksidente, habang walang suot na helmet ang angkas.

Kapwa nagtamo ng malawakang pinsala sa harapan ang dalawang motorsiklo na dinala sa Urdaneta City Police Station para sa karagdagang imbestigasyon at tamang disposisyon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments