
Posibleng ipagpatuloy ngayong araw ng abogado ng Maleta Boys ang pagproseso sa bail documents matapos hindi maiproseso kahapon sa Las Piñas City Regional Trial Court.
Ayon kay Atty. Levito Baligod, abogado ng mga dating sundalong naghahatid umano ng male-maletang pera sa matataas na opisyal ng pamahalaan, uumpisahan mamayang alas-8:00 ng umaga ang pagproseso.
Posibleng ihain ito sa Las Piñas, Makati o Pasay habang nasa police custody ang 10 ex-marines.
Una rito, nagpalipas ng magdamag si Baligod kasama ang mga supporter sa labas ng Las Piñas RTC matapos hindi makahanap ng available night court para makapagpiyansa ang 10 “Maleta Boys.”
Kahapon nang nagtungo si Baligod sa Las Piñas Hall of Justice para maghain ng piyasa sa 14 na dating mga bagmen na hunaharap sa kasong perjury na inihain ni Representative Leila de Lima, dating Senator Antonio Trillanes IV, dating National Security Adviser Eduardo Año at BuCor chief Gregorio Catapang Jr.










