
Nanawagan ang Malacañang sa publiko na huwag maniwala sa mga gawa-gawang alegasyon na layong sirain ang administrasyon.
Ito ay matapos bawiin ng apat na “Maleta Boys” ang nauna nilang testimonya na sila umano ang naghatid ng mga maletang may lamang kickback mula sa flood control projects para kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at dating House Speaker Martin Romualdez.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, ipinakita ng pag-atras ng mga testigo na may mga taong handang gumawa ng maling kuwento kapalit ng pera.
Inakusahan din ni Castro ang ilang supporter ng pamilya Duterte at si Mike Defensor na umano’y nasa likod ng naturang mga alegasyon, at bahagi ng pagtatangkang siraan at i-destabilize ang administrasyon.
Hinimok din ni Castro ang publiko na huwag makiisa sa mga paninirang-puri kapalit ng salapi.
Samantala, sinabi niyang nasa Office of the Ombudsman na ang usapin kaugnay ng “Maleta Boys,” at hahayaan na ng Malacañang ang anti-graft body na magsagawa ng kaukulang imbestigasyon.










