Patuloy ang paglilinis sa ilang kalsada at pampublikong lugar sa Dagupan City matapos mag-iwan ng putik, lumot at iba pang debris ang matagal na pagbaha sa lungsod.
Partikular na tinututukan ang mga kalsadang nagkaroon ng lumot matapos manatiling lubog sa tubig-baha nang ilang linggo. Maaari itong maging madulas at magdulot ng panganib sa mga motorista, siklista at pedestrian.
Halos isang buwan nanatili ang baha sa ilang bahagi ng Dagupan kasunod ng sunod-sunod na pag-ulan dulot ng habagat at mga nagdaang bagyo.
Nakaapekto rin ang matagal na pagbaha sa kabuhayan at pang-araw-araw na galaw ng mga residente. May mga negosyong hindi agad nakapagbukas habang naging mahirap ang pagpasok sa trabaho at pagdaan sa ilang kalsada.
Ngayong humupa na ang tubig sa maraming dating binahang lugar, nagpapatuloy ang clearing at cleanup operations upang alisin ang mga naiwang putik, lumot at basura.
Ayon sa lokal na pamahalaan, paiigtingin pa ang paglilinis sa mga apektadong lugar upang mabawasan ang panganib sa mga dumaraan at unti-unting maibalik sa normal ang kondisyon ng mga kalsada at pampublikong lugar. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







