Bakbakan sa pagitan ng New People’s Army at 77 Infantry Batallion, Sumiklab sa Cagayan

Cauayan City, Isabela- Umabot sa 30-minuto bakbakan ang nangyari sa pagitan ng rebeldeng grupo at tropa ng 77th Infantry Battalion sa Sitio Sacat, Barangay Asinga Via, Baggao, Cagayan kahapon, May 11, 2022.

Una rito, nagsasagawa ng combat operations ang tropa ng pamahalaan upang beripikahin ang impormasyon kaugnay sa presensya ng makakaliwang grupo sa lugar batay sa rebelasyon ng mga mamamayan.

Habang ginagawa ito ng kasundaluhan, agad na pinaputukan ng baril ang tropa ng grupong Front Committee, Komiteng Probinsya Cagayan, Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley.

Narekober sa lugar ang isang 5.56 mm assault rifle sa pinangyarihan ng bakbakan.

Una nang inalerto ni LtCol. Magtangol Panopio, Battalion Commander ng 77IB, ang composite teams mula sa kanilang yunit para maharang ang posibleng pagtakas ng mga rebelde.

Patuloy naman ang pagsasagawa ng pursuit operations upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente laban sa makakaliwang grupo.

Paglilinaw rin nito na hindi election-related incident ang nangyaring bakbakan.

Samantala,nagpasalamat naman si MGen. Laurence E Mina, Commander ng 5th Infantry Division, Philippine Army sa mga residente sa pagbibigay ng impormasyon sa presensya ng grupo.

Facebook Comments